Dalawang kulay ng aNiNo
Uncategorized December 1st, 2007
Nagsimulang tikom sa mundong makulimlim tuwing umuulan. Sinala ang kakayahan sa mapang-akit na sining at kultura. Piniga ng buong lakas ang timbre sa himig ng musika at inindayog ang katawan sa kumpas ng tugtugan. Natutunang aliwin ang sarili sa palakpakan ng isang milyong katanungan. Iginuhit ang kapalaran sa blakong papel sa pamamagitan ng iba’t-ibang kulay ng pintura. Winasiwas sa madla ang tunay na anyo ng isang noon ay inosente at ngayo’y matipuno at matatag na sanga ng punong narra. Sinamsam ang halimuyak ng mapupulang rosas ng pag-irog. Pinag-iwi at inalagan sa mahabang panahon na biglang nawala sa mahinang ihip ng mapanlinlang na hanging amihan. Malalim ang pagkatao ngunit mababaw ang luha sa hapdi ng buhay. Di alintana ang pagngawa sa tag-araw sapagkat ang anino ay binabalot ng hiwaga. Muling bumabangon sa lason ng pagkakaidlip. Tinanaw ang nakakabulag na sikat ng araw. Lumingon sa likuran, may anyong namasdan na katulad rin ng imahe sa tuwing umuulan. Dalawang kulay na nagaagawan sa espasyo. Ano ang dalwang kulay ng aNiNo?
Leave a Reply
You must be logged in to post a comment.